Monday, July 11, 2011

Mga kwentong biyahe ni Shasha

Pebrero yun ng taong 1999 nang dinalaw namin si nanay sa San Juan nila kuya, mommy at hipag ko. Lulan kame ng G. Liner patungong Quiapo. Hiniram ni kuya yung 3210 ko (oo, yun ang patok na selpon nung panahong yun) upang mag laro ng snake habang asa biyahe. Naidlip kami ni mommy nun gawa ng trapik, maya-maya na lang ay nagkaron ng komosyon nung nasa kahabaan na kami ng Legarda, nagulat na lang kami na nililimas na ng 3 kalalakihan ang mga telopono ng tao habang may nakatutok na baril sa aming mga pasehero. Natakot ako, mangiyak-ngiyak ako sa aking nasaksihan, agad-agad silang bumaba na para bang walang nangyare. Kahit papano, malaking pasasalamat na din na walang nasaktan sa insidinteng yun.  Pero, ang telepono ko! Wala na kong telepono! :(

Simula nun, natuto na ko na wag maglabas ng telepono habang asa pampublikong sasakyan. Natuto din ako na maging maingat at mapagmasid sa mga nakakasakay ko. Naging sobrang sensitibo ang paningin namin ni mommy sa paligid. Kadalasan, sa tingin pa lang namin sa isa’t-isa ay magkakaintindihan na kami na “tara na, baba na!”, kesihodang nakapagbayad na kame, basta baba kami basta’t may namataan kami na kahina-hinala. Iisipin mong, naku naman, napaka-judgmental naman nitong mga taong ‘to, masyadong mapag-isip ng masama sa kapwa. Eh, bakit ba? Di ko itataya ang kaligtasan ko sa halaga ng pamasahe na ibinayad ko.

Nuong nagtatrabaho ako sa Ortigas, madalas mangyare sakin na bigla na lang akong kukutuban, andung bababa talaga ko sa mataong lugar at dahil diyan, mapapahaba pa lalo ang biyahe ko at mapapamahal pati ako sa pamasahe, pero sa isip-isip ko, di bale na, at least alam kong makakauwi ako sa bahay ng matiwasay. At ito’y nagpaulit-ulit pa ng madaming beses.

Nang lumipat kami dito sa Laguna, naisip ko, ah, siguro naman low rate ang hold-up dito dahil probinsya naman ‘to, pero di pa din pala, may mangilan-ngilang pagkakataon na magugulat na lang ang mga kasakay kong kaklase na bigla na lang akong bababa ng jeep sa kadahilanang, oo, may naramdaman akong hindi maganda! Eto na nga, kanina papasok ako sa eskwelahan nang may sumakay na isang tomboy na ang sabi ay bababa din siya sa paaralan ko, panget na ang kutob ko nun, pero dahil sa may kasakay naman ako na skulmeyt eh kahit papano, sabi ko ay chika na ‘to. Alam ko kase sampuan ang isang side nung sasakyan eh, pero pilit akong sinisiksik ng babaeng ito. Andung nagdarasal na talaga ko na wag naman sana. Nang matapat sa Engineering Bldg ang jeep, agad-agad akong pumara at agad-agad din siyang bumaba na tila pahabol sakin. Malas lang talaga at walang gwardiya sa gate at kaunti lang ang mga tao sa harap, tumakbo ako ng mabilis na para bang yung gate ay ang aking finish line. Lalo pang kumabog ang dibdib ko nang makita ko siyang aali-aligid sa tapat na kung iisipin ko naman, anong gagawin nitong taong to dito eh wala namang establishments sa tabi ng eskwelehan, at sa tapat naman ng skul ay tanging carinderia lang ang meron. Nagtago ako habang pinagmamasdan ko siya, siguro nung alam niyang wala na siyang makukura eh parang dismayado na lamang itong lumakad ng papalayo. Alam mo ba, habang tumitipak ako ngayon dito sa keyboard ay damang-dama ko pa din ang takot sa nangyari kanina?

Hindi ko lubos-maisip kung bakit ako lapitin ng mga ganitong kahina-hinalang tao. Napaka-payak ko naman pero bakit ako? Ako lang nga ba 'to at ang aking pag-iisip? Sabi nga ni TJ, isa kong malapit na kaibigan na gawa na din `to siguro ng "traumatic experience" ko nuon kaya hanggang ngayon ay dala-dala ko pa din ang pag-uugaling ito. Pero hindi, pagpipilitan ko pa din na may hindi magandang balak yung kasakay ko kanina.

Hay, maraming salamat pa din sa Diyos na kahit na abot-abot ang kabog ng dibdib ang nararanasan ko eh palagi pa din Niya ko inililigtas sa kapahamakan.

4 comments:

Larius said...

Hindi naman kita masisi. Ganyan din ako pagkatapos kong maholdap nung 1999. Hindi na talaga mawawala yung takot. Ako din, kahit maaraw basta hindi ko gusto ang pagmumukha ng kasakay ko, bumababa din ako. :)

C.A. said...

Hindi lang pala ako ang nakakaranas nito, ultimo ikaw na lalaki na. Ngayon nga napapraning pa din ako pano kung andun sa may gate yung babaeng kasunod ko kahapon. Hay, Diyos ko po, sana wala naman.

MG said...

hehehe buti nga khit lapitin ka ng hold up eh laging safe ka. ^_^ thats a blessng . hehe.

C.A. said...

I knowww! Hai MG! :)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...