Bale, kanina nga pala yung libing ng Lola Ona ko, iba't-iba yung naramdaman ko habang nagmimisa yung pari. Naalala ko, hindi ako umiyak nung ibinalita sakin nung nakaraang linggo na pumanaw na siya. Hindi na din kasi ko nagulat. Labas-masok na din kasi siya sa ospital, mahina na, madami ng nararamdaman at 96 na gulang na din naman na ang lola. Sa 7 araw na nakaburol siya, hindi pa din ako umiyak, hindi dahil sa bato ang puso ko, katwiran ko kasi masaya na siya ngayon kasama ang lolo, ang tatay ko, at ang mga tiyuhin ko. Bukod dun, masayang makitang nagbuklod-buklod ang mga kamaganakan namin na siguradong ikinasaya naman ng lola ko. Kanina, bigla na lang ako nalungkot at nagsimulang lumuha. Naalala ko yung mga pagkakataong nakasama ko siya, bagamat hindi man niya ko pinalaki kagaya ng iba kong mga pinsan, lola ko siya, ina siya ng ama ko at alam naming mahal namin ang isa't isa. Kanina pinagmamasdan ko din yung mga tiyahin at tiyuhin ko at nasambit ko sa sarili ko na napakaayos ng pagpapalaki ni lola sa kanila, mabubuti silang tao. Namangha din ako sa pagbibigay nila ng huling respeto kay lola, sadyang isa siyang spoiled na lola. Dati kasi nung namatay si FPJ, nabanggit niya na pag pumanaw siya, gusto niya na naka-karwahe siya at me moseko na kasama, ayun, tinupad nila yun, pihado iba ang galak nun ngayon. Napakadaming nakiramay, naglakad kami ng 1 1/2 oras mula kapilya hanggang sementeryo. Nakakapagod, oo, pero malaking pasasalamat na nandun ang mga kaibigan kong kuntodo effort sa pagsama sakin, pakiramdam ko parte na din sila ng pamilya ko.
Napakadami kong mamimiss kay lola, yung pagluluto siya ng picadillo at tocino steak. Yung kumakain pa lang ng almusal, iniisip na agad ang kakainin para sa tanghalian. Yung pagiging metikulosa at madiwara niya. Yung pagiging maasikaso at maaalalahanin niya. Yung tuwing kaarawan ko na may pancit ng Columbia at fried chicken sa lamesa. Yung paghawak namin ng kamay habang nagkukwentuhan. Yung likas niyang pagiging masiyahin at mabiro. Nakakamiss ang ingay sa unang gabing alam kong hindi ka na babalik, pero lola, I will take comfort in knowing that you are in a better place already. Mahal na mahal kita. Hanggang sa muli!
0 comments:
Post a Comment