Sa San Juan, Metro Manila (na ngayon ay San Juan City na) ako pinanganak, nag-aral ng elementarya, unang nagka-crush at napabilang sa isang barkadahan, Seventeen ang tawag namin sa grupo namin (oo na, baduy nga!) Nanalagi kami dun ng 12 taon bago kame lumipat sa Quiapo.
Nalungkot akong manirahan dito nuon, katwiran ko, ang gulu-gulo dun, makalat ang paligid, dikit-dikit ang mga bahay, daanan ng sasakyan, maingay ang mga kapitbahay —malayong-malayo sa kinalakihan kong environment. Aaminin ko, nung una’y kinakahiya ko sabihin kung taga saan ako, siyempre, na-stereotyped na madameng mandurukot at riot dito.
Pero sa pag-usad ng panahon, unti-unting napamahal sakin ang lugar, minahal ko ang magaganda’t pangit na katangian ng Quiapo. Maniwala ka man o sa hindi, tumagal ako dito na walang matatawag na kaibigan, ung tipong kagaya ba ng mga naging kaibigan ko sa San Juan, malungkot nung una pero nakasanayan ko na din. Maganda din dito sa Quiapo, lahat malapit, malapit sa eskwelahan, simbahan, ospital, palengke at grocery. Isang sakay papuntang Makati, Ortigas, Caloocan, Divisoria, Malate, Cubao, Quezon City, Pasay, Pasig, Sta. Mesa, teka, teka, parang sa motel lahat accessible ah? ;)
14 na taon na din pala kame dito. Madameng alaalang nabuo, mga masasaya’t mapapait, mga alaalang nakatatak na sa aking pagkatao. Dito ako unang natutong tumawid ng kalsada, magcommute, magbukas ng gas range at magluto ng pancit canton. Oo, dito ko nagdalaga, dito ako unang umibig, nasaktan, umibig at nasaktan pa nang paulit-ulit. Dito ko nagrebelde at natutong tumakas nang dis-oras ng gabi ng di nahuhuli. Dito ko naging ina kay Carlo. Dito ko nakilala ang sarili ko at ang mga kaya ko palang gawin.
Ngayong lilisanin na kita sa loob ng ilang araw, madame akong mamimiss sayo, ang lumang bahay na naging malaking bahagi na sa buhay ng mga Altobar at ang pag-silip ko sa bintana na ang tangi kong matatanaw lamang ay ang mga bubong ng aming mga kapitbahay, mamimiss ko din pala ang mga nag-vivideoke dito na nagpapatagisan sa pag-awit ng mga kanta ng Aegis at ang epic song na My Way. Mamimiss ko ang pag-upo sa hagdan ng Basilica ng San Sebastian kapag gusto kong magpahangin at mag-muni-muni, o di kaya’y magbasa lamang ng libro. Oo, mamimiss ko ang Decadence cake ng Bakerite; ang Excelente ham na paborito namin ng Daddy; bagama’t hindi kami Katoliko, mamimiss ko din ang pista ng Nazareno; ang underpass; ang SM Carriedo, na araw-araw eh sale; ang mami’t siopao sa Chonam; ang barter mamimiss ko, ilang tumbling lang mula sa bahay eh asa bilihan ka na ng dvds.
Mamimiss ko ‘tong bahay namin, lalo na ‘tong pink at green kong kwarto; mamimiss ko ang bawat halakhakan at iyakan na naganap sa kabahayan na ito. Ang huling ngiti na nakita ko sa mukha ng aking ama, and galak sa mga mata ni Carlo sa tuwing makakalabas siya ng bahay upang makapaglaro, at ang mga palengke momentsnamin ni Mommy sa Quinta. Ibang klase ang nahanap kong katahimikan sa kalagitnaan ng kaingayan at kaguluhan ng siyudad na ito.
Quiapo, maninirahan na kami ng pamilya ko sa Laguna. Maraming-maraming salamat sa lahat na naging bahagi ka ng 14 na taon ng buhay ko. Hinding-hindi kita makakalimutan. Palasak man, pero, oo, muli akong mapapadpad dito, sa muli akong mapunta dito, asahan mo, may nobyo na ko. :)
2 comments:
it was a nice piece of story hope to hear more
Hai there, anon! Thank you for appreciating this post. Ah, it's been quite a long time since I wrote something like this. Nakakamiss din. Kulang sa inspirasyon at sa oras. :(
Post a Comment