Sa tuwing naririnig ko ang mga samu’t-saring kuwento tungkol ke lola ay hindi ko maiwasang hindi mamangha. Ina siya na ginagawang araw ang gabi at gabi ang araw. Ganun-ganon na lamang ang walang humpay na pagmamahal at pag-aasikaso niya sa kanyang mga anak na pare-pareho namang lumaki na ang Diyos ang sandigan. Pinabilib niya ako kung paano niya napalaki nang maayos ang mga anak niya na nagtutulung-tulungan sa isa’t-isa sa abot ng kanilang makakaya. Madiwara man madalas ay nangangahulugan lamang na gusto nyang pulido at nasa ayos ang lahat.
Si Leonora Altobar ay isang babae na tinitingala ng mga taong nakapaligid sa kanya. Ina siya sa siyam niyang mga anak at Lola siya nang napakarami niyang mga apo. Sa 94 na taon niyang pamamalagi sa mundo eh madami na siyang pagsubok na pinagdaanan, andiyang nabalo siya at nakapagpalibing na din ng apat na mga anak (kasama dun ang aking ama), na siya namang napakasakit para sa isang asawa’t ina na kagaya niya. Isa siyang napakatatag na babae, supremo na maituturing na nagbubuklod sa kanyang pamilya. Tunay siyang isang huwarang ina.
Hindi ako lumaki na palage siyang nakikita. Bihira lang kase kame umuwi ng Laguna nuong araw. Gayon pa man, hindi pa huli ang lahat, binuksan niya ang kanyang tahanan sa aking pamilya upang dito na manirahan at makasama pa siya sa mga taon pang darating. Lola, gustung-gusto kong nakikita kang tumatawa, nakakataba ng puso makita ang mga kinang sa iyong mga mata. Ang mga halakhakan natin sa tuwing nagsimula ka ng magbiro ay nakakaaliw. Ang mga halik at yapos mo ay nanalamin ng pagmamahal mo sa amin. Maligayang siyam-na-put-apat na kaarawan sayo. Mahal na mahal kita, la!